Sa ilalim ng panukala, sisingilin ng 12-percent tax sa kanilang gross receipts ang mga non-resident digital service provider o mga foreign corporation na may online platform na ginagamit sa pagbili at pagbenta ng mga produkto o serbisyo tulad ng Netflix.
Ang third-party platforms tulad ng Lazada at Shopee at mga supplier ng digital services ay kokolektahan din ng VAT.
Tinataya ng Department of Finance na kikita ang gobyerno ng karagdagang P10 bilyon dito kung saan ang P9 bilyon ay magmumula sa mga non-resident habang ang P1 bilyon ay para sa local digital service providers.
Sabi ni Albay Rep. Joey Salceda, dapat lamang na singilin ng buwis ang mga non-resident digital service provider dahil kumikita ang mga ito sa bansa.
Paliwanag nito, hindi naman sisingilan ng 12% VAT kapag ang benta ay mababa sa P3 milyon.
“If your sales are below P3 million, you are exempt from paying or filing VAT. If your net income as a sole proprietor is below 250,000, you are exempt from paying and filing income taxes. So, the small Facebook online seller will not be taxed. I guarantee you,” saad ni Salceda.
Sinabi naman ng pangunahing may-akda ng panukala na si AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin na dapat gawing patas ang playing field sa pagitan ng mga nagnenegosyo sa loob at labas ng bansa.
Sa ngayon, walang kinikita ang pamahalaan sa digital transactions na dumadaan sa mga non-resident digital service provider.
Kapag naging ganap na batas aamyendahan nito ang National Internal Revenue Code of 1997.