Dalawang veteran film directors ipinalit kay FDCP Chair Liza Diño sa MMFF Execom

Matapos alisin si Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair Mary Liza Diño sa Executive Committee ng Metro Manila Film Festival, itinalaga ni MMDA Chairman Danny Lim ang dalawang beteranong director.

Inanunsiyo ni Lim ang pagtalaga niya kina Laurice Guillen at Nick Lizaso sa komite.

Kasalukuyang presidente ng Cinemalaya Foundation Inc., si Guillen, na bukod sa kilalang director ay nakilala din sa pag-arte sa telebisyon at pelikula.

Samantala, higit 60 taon na sa teatro, telebisyon at pelikula si Lizaso na kasalukuyang presidente ng Cultural Center of the Philippines at chairman ng National Commision on Culture and the Arts.

Sinabi ni Lim na tiwala siya na mas magiging produktibo ang MMFF Execom at ang pagtalaga niya sa dalawa ay para sa interes ng industriya ng pelikulang Filipino.

Una nang kinuwestiyon ni Diño, na dating Mutya ng Pilipinas – Tourism, ang pag-alis sa kanya sa komite at sinabi nito na nais niyang maka-usap si Lim para sila ay magkaliwanagan.

 

 

Read more...