8 sundalo ligtas sa pagbagsak ng aircraft sa Malaysia, sumaklolong mangingisda patay nang malunod

The Strait Times Photo
The Strait Times Photo

Nakaligtas ang walong tauhan ng Malaysian Air Force matapos mag-crash ang sinasakyan nilang eroplano sa Kuala Selangor, Malaysia.

Ang CN235 twin-engine aircraft ay umalis sa Royal Malaysian Air Force (RMAF) sa Subang, Malaysia Biyernes ng umaga para sa routine training session, gayunman, nag-emergency landing ito sa putikang lugar malapit sa beach sa Taman Malawati Utama alas 8:40 ng umaga.

Dahil sa lakas ng pagbagsak, agad nagliyab ang gitnang bahagi ng aircraft pero pawang nakaligtas naman at agad nakalabas ang pitong crew ng eroplano at ang piloto nitong si Major Mohd Azri Yabob.

Ang co-pilot na si Major Ahmad Syazwan Mohammed, 32 anyos ay nagtamo ng bali sa kaliwang braso.

Ayon sa RMAF, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon para matukoy kung ano ang naging dahilan ng pagbagsak ng eroplano.

Sa report naman ng Kuala Selangor district police, isang mangingisda sa lugar ang nasawi matapos malunod habang inililigtas ang mga sakay ng CN235 aircraft.

Ayon kay police chief Ruslan Abdullah, ang hindi pa nakikilalang biktima ay kasama sa grupo ng mga mangingisda na tumulong sa mga sundalo para makalabas ng aircraft, gayunman, nabaon aniya sa putik ang paa nito at nalunod.

Ang mga nakaligtas na crew ay kinilalang sina Major Muhamed Afizan Jaafar, 32 anyos; Capt Nurul Azrie Rofdi, 32 anyos; Leftenan Meor Ahmad Ali Meor Abdul Wahab, 26 anyos; Warrant Officer 2 Muhd Sayfull Neezam Abdul Manan, 35 anyos; Sergeant David Tonge, 35 anyos, at Sergeant Suhaila Pathil, 33 anyos.

Pawang dinala sa Tanjong Karang Hospital ang mga crew bago ibalik sa Subang base.

Read more...