Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Cainta Mayor Johnielle Keith Neito na ang pamilya ng mga pasyente ng COVID-19 ay sumusuway sa quarantine protocols at lumalabas ng kanilang bahay.
“Daming report ng pagsuway sa quarantine policy ng mga family members ng mga pasyenteng COVID-19 na naka-home care. Lumalabas daw kahit bawal, ‘di nga sila kasi dapat lumabas dahil naka-quarantine sila,” ayon kay Nieto.
Dahil dito, maghihigpit pa lalo ang lokal na pamahalaan sa mga bahay ng pasyente ng COVID-19.
Ayon kay Nieto, kinuha na niya ang listahan ng mga active cases ng COVID-19 na naka-home quarantine.
Bawat bahay ng mga pasyente ay lalagyan ng bantay para pigilan ang paglabas ng pasyente o kapamilya nila.
Maaring pulis, MPSO at clearing team personnel ang itatalaga para magbantay sa bahay na magpapalitan ng shift sa loob ng 24 na oras.
Ang Cainta LGU ang magbibigay ng lahat ng basic na pangangailan ng buong pamilya at ng pasyente sa loob ng 14 na araw ng quarantine.
Hiling ni Nieto sa mga residente, makipagtulungan at sumunod sa protocols para hindi mabalik ang pag-iral ng enhanced community quarantine sa bayan.