Lalabas na ng bansa anumang oras ngayong umaga ang bagyong Egay, pero papasok naman ng Pilipinas ang mas malakas pang bagyo na may International Name na Chan-Hom.
Tatawaging Falcon ang paparating na bagyo kapag nasa loob na ng Philpine Area of Responsibility.
Ngayong hapon, araw ng Martes ang inaasahang pagpasok sa bansa ng bagyong Falcon. Ayon sa Pagasa, isa nang typhoon ang nasabing bagyo at mayroon nang lakas ng hanging aabot sa 130 kilometers kada oras.
Ayon sa Pagasa, ang bagyong Egay ay huling namataan sa 260 kilometers Northwest ng Laoag City o sa 280 kilometers West ng Basco Batanes.
Bahagya itong lumakas at taglay ang lakas ng hanging aabot sa 86 kilometers kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 100 kilometers kada oras. Kumikilos ito ng 7 kilometers kada oras patungong Hilaga.
Nakataas pa rin ang Public Storm Warning Signal number 1 sa Ilocos, Norte, Batanes, Calayan at Babuyan Group of Islands, at ang Northwest na bahagi ng Cagayan, gayundin sa Apayao.
Samantala, ang isa pang bagyo na may International name na Nangka na binabantayan ng Pagasa at nagbabanta ring pumasok sa bansa ay mas malakas pa at isa na ring typhoon. Taglay na nito ang lakas ng hanging umaabot sa 150 kilometers kada oras./ Dona Dominguez-Cargullo