Kamara all-set na sa SONA mamayang hapon

Handang-handa na ang Kamara para sa ika-limang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mga ipinadalang larawan sa mga miyembro ng media makikitang nakapwesto na ang mga K-9 units habang may mga nakaabang na ring mga ambulansya malapit sa clinic ng Batasan.
Mahigpit din ang ginagawang pag-check sa mga sasakyan na papasok ng Batasan Complex.

Mayroon na ring mga tauhan ng PSG sa north at south wing ng gusali kung saan dadaan sa disinfection tent ang mga kongresista, senador, at ilan pang dadalo na bisita.

Ang RTVM at PTV4 ay nakapwesto na rin sa labas ng session hall para sa live broadcast at feed na ibabato sa lahat ng mga istasyon ng telebisyon at radyo para masaksihan mamaya ang SONA ni Pangulong Duterte.

Nakahanda na rin ang red carpet sa “rear entrance” na dadaanan ng pangulo pagdating bago ito dumiretso sa loob ng plenaryo ng Kamara.

Matapos sumailalim sa swab test kahapon, sumasalang naman sa rapid test ang mga kongresista at empleyado ng Mababang Kapulungan dadalo sa SONA mamayang hapon.

Ito ang unang pagkakataon na hindi lahat ng mambabatas, mga opisyal ng pamahalaan, VIPs at ilang mga bisita ay makakadalo sa SONA hindi naman nagbago ang mahigpit na seguridad na ipinapatupad sa loob at labas ng Batasang Pambansa.

 

 

Read more...