Magsasagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa posibleng paglabag ni Madonna o ng mga nag-organisa ng kaniyang katatapos lamang na konsyerto sa bansa.
Ayon kay Teddy Atienza, pinuno ng Heraldry Section ng NHCP, ito ay matapos gawing kapa ni Madonna ang watawat ng Pilipinas sa kaniyang concert kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sumayad pa aniya sa sahig ng stage ang bandila na ayon kay Atienza ay malinaw na paglapastangan sa watawat.
Sa ilalim ng Republic Act 8491 Sec. 34, bawal isuot o gamitin bilang costume ang bandila ng Pilipinas.
Bilang paunang hakbang, sinabi ni Atienza na aalamin nila kung sino ang organizer ng Rebel Tour concert ni Madonna.
Sakaling mapatunayang may paglabag, parusang isang taong kulong o multa na P5,000 hanggang P20,000 ang maaring kaharapin ng organizer.
Kung si Madonna naman o isang dayuhan ang mapapatunayang lumabag ay maari itong maharap sa deportation kung sya ay nasa bansa pa, o di kaya ay hindi na siya papayagang bumalik pa ng bansa.