Paglaglag kay Robredo ng LP, hindi totoo – Lacierda

 

Inquirer file photo

Pinasinungalingan ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda ang lumabas na ulat na ilalaglag ng Liberal Party (LP) si Camarines Sur Rep. Leni Robredo bilang kandidato sa pagka-bise presidente.

Ito ay dahil umano sa madalas pa ring nasa mababang pwesto si Robredo sa mga survey rankings.

Ayon kay Lacierda, humaharap na sa publiko bilang magka-tambal ang kanilang presidential candidate na si Mar Roxas at si Robredo, at pareho na nilang itinataguyod ang daang matuwid.

Ito ay kaniyang reaksyon sa sinabi ng political analyst at founder ng campaigns management firm Publicus Asia na si Malou Tiquia.

Ayon kay Tiquia, nakatanggap siya ng impormasyon mula sa dalawang magkaiba ngunit parehong mapagkakatiwalaang sources na ilalaglag ng LP si Robredo kung hindi pa rin tataas ang kaniyang ratings.

Ani Tiquia na isang masugid na taga-suporta ni Robredo, tumataas naman na ang rankings ng mambabatas ngunit kulang pa siya ng suporta para maipahatid niya sa publiko ang kaniyang mensahe.

Hindi naman na ipinagtataka ni Lacierda na sinisira ni Tiquia ang tambalang Roxas-Robredo dahil napag-alaman umano niya na bagaman si Robredo ang pambato ni Tiquia bilang vice president, si Vice President Jejomar Binay ang sinusuportahan niya bilang pangulo.

Read more...