Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na hindi tatanggihan ng mga pampublikong paaralan ang mga estudyanteng lilipat mula sa mga pribadong eskwelahan.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, sa ngayon, lahat ng mga lumipat ay tinanggap ng mga pampublikong paaralan.
Una rito, sinabi ni Education secretary Leonor Briones na 27 percent na lamang ng mga estudyante ang nagpa-enroll sa mga pribadong eskwelahan.
Karamihan aniya sa mga magulang ng estudyante ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 at hindi na kayang bayaran ang matrikula.
Iginiit pa ni Briones na nakasaad din sa Konstitusyon na hindi dapat na tanggihan ang isang bata na gustong mag-aral.
Ayon kay Briones, hindi lamang ang mga estudyante ang nagma-migrate o lumilipat ngayon sa mga pampublikong eskwelahan kundi maging ang mga guro na nawalan ng trabaho.
Pinag-aaralan na aniya ito ng DepEd kung paano maayudahan ang mga apektadong guro.