Dahil sa patuloy na pagpapakalat ng mga maling impormasyon gamit ang social media, nagbilin si Senator Christopher Go sa mga nabiktima ng mga fake news na maghain ng pormal na reklamo.
“Parte ng ating demokrasya ang karapatan ng taong naagrabyado ng isang kasinungalingan na maprotektahan ang kanyang sarili. Tulad ninyo, may pamilya at anak rin akong nasasaktan sa mga paninira na hindi naman totoo. Tulad ninyo, lahat naman tayo ay may karapatan magreklamo gamit ang legal na proseso,” ayon sa pahayag na inilabas ng kampo ng senador.
Diin nito, sumusunod siya sa nakatakda sa batas para protektahan ang kanyang karapatan bilang mamamayan.
Aniya wala siyang problema sa mga kritiko na nagpapahayag ng kanilang mga saloobin at opinyon sa ngalan ng malayang pamamahayag ngunit ibang usapan na ang pagpapakalat ng mga malisyoso at maling balita lalo na kung ang mga ito ay nakakasakit na.
“Patuloy po nating ipaglalaban ang karapatan ng mga tao na malayang ihayag ang kanilang sariling opinyon. Sa lahat ng kritiko, go ahead. Ang kritisismo ay parte ng demokrasya. Ipagpatuloy ninyo po ‘yan dahil makakatulong ‘yan upang mas pagbutihin pa namin ang aming trabaho at mas maisaayos ang serbisyo ng gobyerno,” giit nito.
Paliwanag pa ng senador, dumulog na siya sa NBI para maimbestigahan ang mga paglabag na sa batas at aniya hindi siya titigil hanggang sa mahinto na ang mga paninira at kasinungalingan.