Sa kaniyang talumpati sa Nueva Ecija, isang araw bago ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, ikinwento ni Pangulong Benigno Aquino III ang naging karanasan niya at ng kaniyang pamilya noong panahon ng Martial Law.
Ibinahagi niya sa kaniyang mga tagapakinig ang hirap ng wala sa kanilang piling ang ama, ang makita ang bunsong kapatid na hindi maintindihan kung ano ang mga nangyayari sa kanilang pamilya, at ang responsibilidad ng pag-aalaga sa kanilang pamilya na maagang naipatong sa kaniyang mga balikat noong siya ay 13 anyos pa lamang.
Ayon kay Pangulong Aquino, kung ano man siya ngayon, ito ay dahil sa kanilang dinanas sa isa sa pinakamahalagang bahagi ng kanilang buhay, ang pagde-deklara ng Martial Law.
“I am what I am today because of what our family had gone through, and one of the most significant periods in our lives was the imposition of martial law in our motherland … I was 13 years old at that time and the life of my family was turned upside down,” ani Pangulong Aquino.
Doon rin sa probinsyang iyon, sa bayan ng Laur sa Fort Magsaysay ikinulong ang kaniyang amang si Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr., kasama si Sen. Jose Diokno na noo’y mga pinuno ng oposisyon sa loob ng pitong taon.
Noon aniyang inaresto ang kanilang ama, wala silang kaalam-alam kung nasaan ito ngunit isang araw ay dinala sa kanila ang mga personal na gamit nito dahil hindi na raw ito kailangan.
Tandang-tanda pa niya noong ibinilin sa kaniya ng kaniyang ama, bilang nag-iisang anak na lalaki, na alagaan ang kaniyang ina at mga kapatid.
Naalala rin niya ang mga panahon na dinadalaw nila sa masikip at mainit na kulungan ang kanilang ama na lubhang malaki ang ipinayat, at mayroon lamang dalawang piraso ng pang-itaas at pang-loob.
Magkahiwalay rin aniya ang kulungan nina Ninoy at Diokno, at nalalaman lang nila na buhay pa ang isa’t isa sa tuwing kakanta ang isa sa kanila ng Lupang Hinirang, at sasagot ang isa ng pag-awit ng ‘Bayan Ko’.
Halos pareho rin ang talumpating inihatid niya sa bayan ng Talavera kung saan isinagawa ang seremonya ng pagbibigay ng kuryente sa isang barangay, at sa San Jose kung saan sinamahan niya mangampanya ang mga pambato ng Liberal Party na sina Mar Roxas at Rep. Leni Robredo.
Batid na sa lahat ng kaniyang mga talumpati, mayroon itong malakas na mensahe ng mariing pag-tutol sa martial law.