Ngayong araw kasi, July 15 ang huling araw ng enrollment para sa mga public school.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na inaasahang dagdagsa ngayon ang magpapatala at hahabol sa last minute ng pagpapa-enroll.
Hanggang alas 5:30 ng hapon kahapon (Martes, July 14) umabot na sa mahigit 20 million ang mga nakapagpa-enroll na mag-aaral sa public schools.
84% na ito ng bilang ng mga estudyante sa public schools noong nakaraang taon at lagpas na sa adjusted target ng DepEd.
Sa private schools naman ay umabot na sa mahigit 1 milyon ang nakapagtala.
Ayon kay San Antonio, marami kasi sa mga pribadong paaralan ang kasisimula pa lamang ng enrollment.
Sa datos ng DepEd mayroon ding nasa 300,000 mga estudyante mula private ang lumipat sa public schools.
Ngayong huling araw ng pagpapatala para sa public schools, sinabi ng DepEd na sa mga susunod na araw pa malalaman ang pinal na bilang ng mga nagpatala.
Hihintayin pa kasi ang datos mula sa mga paaralan na nasa liblib na mga lugar.