Bed capacity para sa COVID-19 patients sa Metro Manila, nasa ‘danger zone’ na

Umabot na sa ‘danger zone’ ang bed capacity para sa pasyenteng apektado ng COVID-19 sa Metro Manila, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nasa 73.7 porsyento na ang utilization rate sa COVID-19 isolation beds sa National Capital Region (NCR).

Nasa 77.4 porsyento naman ang occupancy rate sa ward beds.

Ipinaliwanag ni Vergeire kung paano napagbabatayan ng kagawaran ang naitatalang datos kung nasa ‘danger zone’ na.

“Ang mga percentages na ginagamit ng DOH upang malaman kung nasa ‘safe’, ‘warning’ at ‘danger’ zone ay base po dito: ‘Safe zone’ kung nasa zero to 30 percent pa lang ng COVID-19-dedicated facilities ang kasalukuyang nagagamit, ‘warning zone’ naman kung nasa 30-70 percent na ang nagagamit, at ‘danger zone’ kung 70 to 100 percent na po ang nagagamit,” ani Vergeire.

“Binabantayan po ito ng DOH upang mapaghandaan kung magkakaroon man ng surge,” dagdag pa nito.

Sa huling datos ng DOH, nasa 57,545 na ang confirmed COVID-19 cases sa bansa hanggang 4:00, Martes ng hapon (July 14).

Read more...