Navotas City sasailalim sa lockdown simula July 16 hanggang July 29

Magpapatupad ng dalawang linggong lockdown sa buong lungsod ng Navotas.

Inanunsyo ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na simula alas 5:00 ng umaga sa July 16 hanggang sa alas 11:59 ng gabi ng July 29 ay iiral ang lockdown sa lungsod.

Ayon kay Tiangco, puno na ang mga health at quarantine facilities sa Navotas habang patuloy pa ang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Hanggang Lunes (July 13) ng gabi mayroon nang 981 na total confirmed cases ng COVID-19 sa lungsod.

Sa nasabing bilang, 576 ang aktibong kaso, 341 ang gumaling na at 64 ang nasawi.

Sinabi ni Tiangco na ang pagpapatupad ng lockdown ang oportunidad para mapabagal ang pagdami ng nahahawaan ng sakit.

“Ang lockdown po ang oportunidad natin para mapabagal ang pagdami ng mga positibo at makamit ang “flattening of the curve.” Puno na po ang ating mga pasilidad. Pagod at nagkakasakit na ang ating mga frontliners. Mahihirapan na po tayo kung patuloy pang dadami ang ating mga pasyente,” ani Tiangco.

Sa ilalim ng paiiraling lockdown, ang mga residente sa bawat barangay ay may nakatakdang araw lang para lumabas ng bahay ipang mamalengke o mag-grocery.

Kapag araw ng Linggo, walang papayagan na lumabas dahil ito ay araw para sa pagsasagawa ng disinfection.

 

Read more...