Nasa full alert status na ang buong pwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang matiyak ang seguridad ng paggunita sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People’s Power bukas, Pebrero 25.
Ibig sabihin nito, kanselado ang leave at day off ng lahat ng mga pulis sa Metro Manila at ang buong pwersa ng NCRPO ay naka-standby para sa deployment.
Ayon kay NCRPO Chief P/Dir. Joel Pagdilao, kasado na ang security at public safety plan na ipatutupad bukas para sa selebrasyon at mga aktibidad.
Tiniyak pa ni Pagdilao na sapat ang bilang ng mga pulis na itatalaga para sa security, crowd control, emergency response at traffic management.
Katuwang din ng NCRPO sa pagpapatupad ng kaayusan at seguridad bukas ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), PSG, MMDA, Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kabila nito tiniyak din ni Pagdilao, na hindi mapapabayaan ang normal na police operations sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kaya hindi makakapagsamantala ang mga kawatan./ Ruel Perez