Sa resolusyon na inaprubahan noong January 28, 2016, inaprubahan ng Sandiganbayan ang mosyon ng Ombudsman na suspendihin si Acharon.
Ibinasura rin ng korte ang inihaing oposisyon noon ni Acharon dahil wala raw itong merito.
Batay sa naunang argumento ni Acharon, na bilang kongresista ay hindi na raw siya nag-aapruba o nagpatupad ng disbursement ng public funds, taliwas noong siya’y alkalde ng General Santos City.
Ikinatwiran pa ni Acharon na mawawalan ng representasyon sa kamara ang kanyang mga constituents kapag siya’y sinuspinde.
Pero alinsunod sa resolusyon ng Sandiganbayan, hangga’t nakaupo o nasa public office, pwedeng suspendihin “pendete lite” si Acharon.
Nag-ugat ang kaso ni Acharon at apat na iba pang opisyal ng General Santos City dahil sa paglabag sa section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kaugnay sa maanomalyamg paggamit ng 2.5 million pesos na pondo noong June 2006 Tambayayong Festival sa California, USA.
Inaatasan naman ng Sandiganbayan si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na agad na ipatupad ang suspension order.