Base sa Satellite-Based Technologies Promotion Act of 2020 na inihain ni Salceda, nais nito na amyendahan ang Executive Order 467 kung saan limitado lamang sa telecommunications companies ang paggamit ng satellite technology.
Sa ilalim ng panukala, binibigyang mandato ang Department of Information and Communication Technology (DICT) na i-regulate ang paggamit ng satellite-based technologies na labas sa commercial telecommunications.
Pinapayagan din sa panukala ang pagtatayo at pag-o-operate ng mga internet service providers (ISPs) at value-added services (VAS) ng sariling network gamit ang satellite technology nang sa gayon ay mapalawak ang kompetisyon sa pagitan ng mga service providers habang magmumura naman ang internet cost at gaganda ang benepisyo para sa mga customers.
Hinihikayat din ang mga government organizations, public at non-profit private educational institutions, volunteer organizations para sa edukasyon, environmental management, climate change management, disaster preparedness at crisis response na mag-may-ari at magpatakbo ng satellite-based technology upang makatulong at mapabilis ang kanilang mga aktibidad.
Sinabi ng kongresista na dahil sa COVID-19 ay naging mahalagang bahagi ng mga economic activities at recovery ang internet.
Paliwanag nito, ang mabagal na internet speed at mahal na halaga ng internet sa bansa ang nagpapahirap para sa estratehiya ng work-from-home at distance-learning.