Nanawagan si Senator Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment o DOLE na paigtingin at higpitan pa ang labor inspections kasunod ng pagkakasakit ng COVID-19 ng 327 construction workers sa isang project site sa Taguig City.
Naalarma si Villanueva sa bilang at aniya, patunay lang ito na mabilis ang pagkakahawa sa trabaho kung may kaluwagan sa pagpapatupad ng mga health and safety protocols.
“DOLE must continue its labor inspections in workplaces to ensure compliance to occupational safety and health (OSH) protocols and help control the spread of COVID-19,” ayon sa namumuno sa Senate Committee on Labor.
Nanawagan din siya sa mga employer na sumunod sa guidelines na itinakda noong Mayo ng DOLE at DTI sa mga opisina at iba pang lugar ng trabaho.
Diin niya, hindi dapat magdalawang isip ang safety officers na magpalabas ng work stoppage order kapag may isang manggagawa na nagpositibo sa nakakamatay na sakit para mapigilan ang hawaan.
“Hindi po dapat magdalawang-isip ang mga safety officers na magpatigil ng trabaho kaagad kapag may kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar-paggawa upang maiwasan ang pagkahawa ng iba sa pasyente. Inatasan po ang mga safety officers na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa ilalim ng ating batas,” ayon sa senador na may akda ng Occupational Safety and Health Law.