Batay sa severe weather bulletin bandang 2:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 200 kilometers East Northeast ng Tuguegarao City, Cagayan o 200 kilometers Silangang bahagi ng Aparri, Cagayan bandang 1:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Tinatahak nito ang direksyong pa-Hilagang Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
– Batanes
– Babuyan Islands
– northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, eastern Lal-lo, eastern Gattaran, at eastern Baggao)
Sinabi ng PAGASA na magdudulot ang bagyo ng kalat-kalat na may katamtaman hanggang mabigat na buhos ng ulan sa Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Abra, at Ilocos Norte.
Mararanas naman ang kalat-kalat na mahina hanggang katamtamang buhos ng ulan sa nalalabing parte ng Northern Luzon, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, Mindoro Provinces, Marinduque, Romblon, Camarines Norte, at Camarines Sur.
Inaasahang hihina ang bagyo at magiging low pressure area (LPA) na lamang sa araw ng Miyerkules, July 15.