Ito’y kahit anong klaseng pagpapaliwanag ang gawin pa ni Presidential spokesperson Harry Roque. Bagamat tinanggap raw ng pangulo ang”apology” noon ni ABS-CBN CEO, Carlo Katigbak, bahala na ang Kongreso sa kahihinatnan ng prankisa nito.
Ilang araw bago magbotohan, nanawagan si House Speaker Alan Peter Cayetano na ipatupad ng mga kongresista ang “conscience vote” sa gagawing desisyon ng Committee on Legislative Franchises.
At naganap ang paghuhukom noong BIyernes, nang iladlad sa komite ang 40-pages committee report ng Technical Working group (TWG) sa pangunguna ni Deputy speaker Rep. John Garcia ng Cebu na nagrekomendang tanggihan ang “renewal” ng prangkisa ng ABS-CBN at pagkatapos ay agad na nagbotohan.
Walumput lima ang bilang ng Quorum, 46 ay miyembro ng komite at 39 na ex-oficio members. At ang naging resulta, 70 pabor sa “denial”, 11 ang kontra, isang abstention at dalawang inhibitions. Bagay na tuluyan nang nagbasura sa hangarin ng ABS-CBN na magkaroon ng panibagong 25 year franchise.
Kung susuriin ang resulta ,kumilos ng husto ang mga “political parties” . Sa aking pangunang bilang, nanguna sa botohan ang 16 miyembro ng National Unity Party (identified kay Businessman Enrique Razon), 14 ay mga Party list representatives, 11 sa mga taga-PDP-Laban, 9 sa Nacionalista party (identifieed kay Manny Villar), 7 taga- Lakas-Nucd (identified kay dating House Speaker PGMA) , 5 sa Nationalist Peoples coalition (Identified ngayon kay Businessman Ramon Ang) , at tig dalawa sa mga partidong PFP at PPP.
Magugulat ka at huwag nang lumayo , dahil siyam na congressmen dito mismo sa Metro Manila ang bumoto kontra ABS-CBN. Nariyan yung tatlong congressman ng lungsod ng Maynila, sina Reps. Cristal Bagatsing, Rolando Valeriano at John Marvin Nieto.
Dalawang congressman ng Valenzuela na sina Rep. Weslie Gatchalian at Eric Martinez, tig-isa sa Quezon city , Caloocan, Las Piñas, Pasay at Marikina , sina Rep. Anthony Peter Crisologo, Rep.Dale Malapitan, Rep. Camille Villar, Rep. Tony Calixto at dating MMDA Chair ngayo’y Rep.Bayani Fernando.
Ano kaya ang kasalanan ng ABS-CBN sa kanila at hindi sila pumayag na magkaroon ng bagong prangkisa ? Magpaliwanag kaya sila?
Doon sa iba, hindi ko na inalam kung sila’y mga miyembro ng komite o ex-oficio members, pero kitang-kita ang kalakarang nangyari . Sina Rep Micaela Violago, isa sa tagapagtanggol ng ABS-CBN Ssa 12 public hearings ay biglang nag-inihibit samantalang si Rep. Alfredo Garbin, na maingay din sa pagdinig ay nag-abstain naman. Samantala, ang ibang ex-oficio members ay hindi sumipot sa botohan tulad nina Cong. Loren Legarda, Kit Belmonte at iba pa.
Kung susuriin, mukhang pinagtulungan at pinatay ng husto sa botohan ng mga Committee of Legislative Franchise at ng buong liderato ng 18th Congress ang ABS-CBN. Ika nga, masyadong “lopsided” ang resulta 70-11 na para bang “guilty” ang giant network sa mga akusasyon.
Isang “hulog ng langit” pero “too late the hero”ang SWS mobile prone survey nitong July 3-6, na nagsasabing 75 percent sa mamamayan ang pabor sa prankisa, 13 percent ang kontra at 10 percent ang “undecided”. Ito’y lumabas noong Sabado, matapos magbotohan noong Biyernes.
Sa ganang akin, malakas ang kutob kong “sagasa” ang botohang at kasaysayan na lamang ang hahatol kung tama ang desisyon ng 70 kongresista laban sa ABS-CBN. Sa isang iglap, pinutol nila ang malalaking pakpak ng naturang giant network, ang free television Channel 2 at DZMM AM radio. Pinatay nila ang malaganap na koneksyon nito sa sambayanang Pilipino.
Abangan natin ang “resbak” ng ABS-CBN at ng mga supporters nito sa mga susunod na mga araw, buwan o taon!