Inihalintulad ni Senate Minority Leader Frank Drilon sa naging katayuan ng pamamahayag noong 1972 ang pagtanggi ng Mababang Kapulungan na mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS CBN.
Ayon kay Drilon labis ang kanyang pagkalungkot sa pangyayari at diin niya namamayani ang demokrasya kung may ganap na kalayaan ang pamamahayag.
“With what happened, it has shown that the sword of Damocles can be unleashed any time,” sabi ng senador.
Aniya tinutukan niya ang mga isinagawang pagdinig sa Kamara at nakumbinsi siya na ang tanging pagkakamali ng ABS CBN ay may mga natapakan itong mga makapangyarihang politiko.
Sinabi pa ni Drilon na ang tinatawag na ‘sword of Damocles’ ay palagi nang nakabitin sa ulo ng ibang media networks at gagamitin ito ng ilang politiko kung kailan nila gusto.
Dagdag pa nito, naniniwala siya na malalagpasan ng ABS CBN ang kabanatang ito ngunit iniintindi niya ang kabuhayan ng mga mawawalan ng trabaho.
Unang naghain ng resolusyon sa Senado si Drilon para palawigin ang prangkisa ng ABS CBN hanggang sa December 2022 ngunit wala ng magagawa pa ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso dahil sa mga limitasyon na naitakda sa Konstitusyon.