Komite sa Kamara ibinasura ang aplikasyon para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN

Ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang panukala na mabigyan muli ng prangkisa ng broadcast giant na ABS-CBN.

Sa botong 70 YES, 11 NO, 1 abstain at 2 ang nag-inhibit sa mga miyembro at ex-officio members ng komite hindi napagbigyan ang panukala.

Nagkaroon ng labindalawang araw na pagdinig ang komite kasama ang House Committee on Good Government and Public Accountability kung saan tinalakay ang mga alegasyon laban sa broadcast giant.

Kabilang na rito ang citizenship ng kanilang Chairman Emeritus na si Gabby Lopez, pag-i-isyu ng Philippine Depositary Receipt sa mga dayuhan, political bias, paglalabas ng TV Plus, pagbabalik ng ABS-CBN sa mga Lopez, labor practices at hindi tamang pagbabayad ng buwis.

Matapos ang mga pagdinig, bumuo ng technical working group ang komite na siyang magbibigay ng rekomendasyon sa magiging hakbang sa panukala.

Sa naging rekomendasyon ng komite sinabi ni Deputy Speaker Pablo John Garcia na napagkasunduan na ibasura ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.

Ito anya ay base sa consensus ng mga miyembro na kanilang tinanong.

Sabi naman ni House Deputy Minority Leader Zarate hindi siya kasama sa natanong ukol dito ng TWG.

Mayroon pa namang pagkakataon ang mga may-akda ng panukala upang i-apela ang naging pasya ng komite.

Labing-apat na panukala ang nakahain sa Mababang Kapulungan upang mabigyan ng panibagong 25-taong prangkisa ang ABS-CBN matapos itong mapaso noong May 4.

Read more...