Hindi dapat kinukuwestyon ng alinmang bansa ang pagtataguyod ng China ng radar system sa Spratly islands.
Ito ang tugon ng China sa report ng Asian Maritime Transparency Initiative na isang US think-tank na nagtatayo na ito ng isang high-frequency radar system sa naturang lugar.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Hua Chunying, karapatan ng kanilang bansa na magtaguyod ng mga struktura sa Spratlys at maglagay ng limitadong defense systems doon.
Ang naturang mga isla aniya ay bahagi ng kanilang teritoryo at bahagi ng kanilang soberenya.
Ginagamit lamang aniya ng China ang kanilang defensive rights at napapaloob ito sa international law.
Payo pa ni Hua, sa halip na pansinin ang pagtatayo nila ng mga satellite system sa lugar, dapat bigyan din ng kaukulang pansin ng ibang bansa ang mga itnayong silbiyang struktura sa Spratlys tulad ng mga lighthouse na nakakatulong sa mga lumalayag sa South China Sea.
Matatandaang iniulat ng naturang US think tank na sakaling makumpleto ang radar system na itinatayo ng China sa Cuarteron reef, mapapalakas ng pagbabantay sa sea at air traffic sa rehiyon.
Bukod sa radar, nagtayo na rin ng helipad, communications equipment at mga underground bunker ang China sa naturang bahura.