Rice smuggling mas lumala sa Aquino administration

Inquirer file photo

Inakusahan ni Sen. Cynthia Villar ang pamahalaan ng kawalan ng pakialam sa lumalaganap na problema ng rice smuggling sa bansa.

Sinabi ni Villar, chair ng Senate committee on agriculture and food, na ayon sa United Nations, nasa 700,000 metric tons ng bigas ang iligal na inangkat sa bansa noong 2015.

Inaasahan na rin aniya niya ang pagsasabi ng pamahalaan na kontrolado na ang problemang ito, pero hindi siya kumbinsido dahil wala naman aniyang dahilan ang UN para pag-takpan ang katotohanan hinggil dito.

Ani pa Villar, wala namang pakialam ang UN kung may rice smuggling sa bansa o wala, kaya wala silang dahilan para manipulahin ang bilang na kanilang inilabas.

Ayon kay Villar, inilalabas niya ang figures mula sa UN dahil tila ayaw tanggapin ng pamahalaan ang katotohanan na laganap ang smuggling dahil taliwas naman dito ang kanilang iginigiit.

Paliwanag ng senadora, kaya hindi matigil-tigil ang smuggling ng bigas sa bansa dahil sa impluwensya ng mga mayayaman at high profile na smugglers na kayang-kayang mag-manipula ng tao.

Binanatan rin ni Villar ang aniya’y kabiguan ng mga ahensya ng pamahalaan na gawin ang kanilang mandato para matigil ang ganitong problema.

Hindi aniya kasi nag-sampa ng mga kaukulang kaso ang Department of Justice (DOJ), habang ang National Food Authority (NFA) naman ay hindi sumunod sa rekomendasyon ng Bureau of Customs (BOC) na gawin ang government-to-government scheme (G2G) na magpapadali sana sa kanilang trabaho.

Read more...