Sinabi ni Año kahit isang kaso lang ng COVID 19 ay dapat i-lockdown na ang lugar at mailabas ang pasyente bago isalang sa testing ang kanyang mga kasama sa bahay.
Sinabi ng kalihim na napag-usapan na ito sa pakikipagpulong niya sa Metro Manila mayors, opisyal ng MMDA at ilang miyembro ng Inter-Agency Task Force bilang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng sakit kasabay nang pagpapasigla ng ekonomiya.
“Gusto sana natin ngayon mabilisang localized lockdown, whether it is a community, neighborhood, a street or a building or one household or one barangay. Para makapagbukas tayo ng kabuhayan at makapagtrabaho yung mga kababayan natin pero kailangan talaga dito mabilis na aksyon,” ayon sa kalihim.
Samantala, nagpahiwatig na si Año ng posibilidad na ibaba sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o general community quarantine (GCQ) ang Cebu City sa July 15.
Aniya, ito ay depende pa rin sa mga bagong datos ng COVID-19 cases sa lungsod ngunit ibinahagi nito ang magandang pagbabago sa sitwasyon.