Sa statement ni Yap, sinabi nito na may natanggap siyang tawag na nagpapakilalang emisaryo ng giant network at hinimok na bumoto pabor sa ABS-CBN kapalit ng P200M.
Ani Yap, “More than two weeks ago, may tumawag sa atin, nagpakilalang emisaryo ng ABS CBN at hinihimok tayong bumoto pabor sa ABS CBN kapalit ng 200 Million pesos. Simple lang ang sagot ko, hindi for sale ang prinsipyo at boto ko”.
Hindi anya niya ito nilabas sa media dahil hindi naman siya sigurado kung galing nga sa giant network ang suhol at unfair din ito sa network na maglalagay sa alanganin sa kanilang pangalan.
“Nilabas ko ba sa media? Hindi. Dahil hindi tayo sigurado kung emisaryo nga ng ABS CBN yun at unfair naman na malalagay sa alanganin ang pangalan ng ABS CBN dahil sa kanya at unfair din maging sa proceedings ng Joint Committee na tumatalakay sa issue ng prangkisa nila”.
Bukod dito may iba anya siyang narinig na mga isyu ng panunuhol sa mga kapwa kongresista na hindi rin niya inilabas sa media dahil sa hindi ito beripikado.
Iginiit din ni Yap na buhay na buhay ang press freedom sa bansa pero responsibilidad ng mga mamamahayag na magbalita ng katotohanan.
Sabi ni Yap, maraming naglabasang balita at isa rito ay sinasabing pinagtutulungang i-pressure ang mga kongresista upang bumoto laban sa ABS-CBN.
“Press freedom is alive but it is also the responsibilty of our journalists to deliver the truth. May nabasa akong pinagtutulungan daw i-pressure ang ating mga kasamahan para bumoto laban sa ABSCBN pero puro paratang lang ang laman at walang credible source”, dagdag pa ni Yap.
Mayroon pa nga anya na lumabas na listahan ng boto kahit wala pa namang nagaganap na botohan sa prangkisa ng giant network.
Dagdag nito, “Buhay na buhay ang press freedom sa bansa hanggang sa puntong inaabuso na ito para sa pansariling interest ng iilan. Marami tayong kaibigan sa media na balanse at mataas ang antas at integridad ng pagsusulat at pagbabalita. Pero sadyang may iilan na mas matimbang ang pagiging bias at walang pakialam kung tama ang laman ng balita”.