Base sa Department Order na nilagdaan ni Tugade, magsisimula ang walong araw na free time period ng hindi pagbabayad ng demurrage at detention charges matapos maibaba sa barko ang mga kargamento.
Layunin ng Department Order No. 2020-009 na matulungan financially ang mga consignee sa epekto ng community quarantine dulot ng Coronavirus Disease 2019.
“Sa pandemic ho na ito, lahat tayo ay apektado. Naiintindihan natin kung mayroong delays. Pero hindi dapat gawing dahilan ito ng ilan para mag-take advantage sa kanilang kapwa. Kailangang lahat ay tumulong upang magsagawa ng kritikal, agaran at nararapat na pagtugon para maprotektahan ang mga mamamayan sa epekto ng COVID-19,” sabi ni Tugade.
Hindi naman pinagbabawalan ang international shipping lines na magbigay ng free time nang mas mahaba sa walong araw.
Sabi naman ni Philippine Ports Authority General Manager Jay Daniel Santiago, magbibigay ng flexibility sa pagpoproseso ng mga dokumento ang nasabing kautusan dahil walang pinangangambahang karagdagang gastos ang mga importer.
“Through this effort of extending the free time period of shipping lines for cargoes from the regular 5 days to 8, shippers and importers will have more flexibility in processing their shipments without fear of additional costs especially during these times where operations of both government and private offices are limited. We just hope that whatever positive impact this cost saving initiative will have on shippers and importers will trickle down to end-users and consumers,” ani Santiago.
Inatasan din ni Tugade ang mga international shipping lines na i-apply ang walong araw na free time period sa mga kargamento magmula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ).
Pinapatawan ng demurrage charge ang mga importer oras na hindi nang mga ito alisin ang kanilang mga container sa pantalan o terminal kapag natapos na ang free days na tatlo hanggang limang araw.
Ang detention charge naman ay sinisingil ng mga shipping line sa mga importer kapag inalis na ang kanilang mga kargamento sa pantalan o terminal pero bigo namang maibalik ang empty container sa depot kapag natapos na ang allowed free days.