17 residente sa Navotas kinasuhan matapos mag-party sa kasagsagan ng pag-iral ng community quarantine

Nagsampa na ng reklamo ang Navotas Police laban sa labingpitong residente ng lungsod na dumalo sa isang party noong buwan ng Mayo sa kasagsagan ng pag-iral ng community quarantine sa Metro Manila dahil sa COVID-19.

Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, 6 sa 17 na dumalo sa nasabing party ay nagpositibo sa COVID-19 kalaunan.

Ginawa ang party noong May 14 sa H. Monroy Street sa Barangay Navotas West at malinaw na paglabag ito sa social distancing measures.

Noong June 11 hanggang June 24 ay isinailalim sa lockdown ang nasabing kalye makaraang 14 na residente nito ang magpositibo sa COVID-19 at 6 doon ay kabilang sa dumalo sa party.

Ang iba pang nagpositibo ay kaanak o nagkaroon ng contact sa 6 na partygoers.

Kasong paglabag sa Revised Penal Code o resistance and disobedience to persons in authority, Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, Quarantine Act of 2004, at omnibus guidelines on the implementation of community quarantine ang isinampa sa 17 katao.

 

 

Read more...