Operasyon ng MRT-3, pansamantalang sususpindehin simula July 7

Magkakaroon ng temporary shutdown sa operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) simula sa Martes, July 7.

Ito ay kasunod ng dumaraming bilang ng mga personnel sa MRT-3 na nagpositibo sa COVID-19.

Layon ng suspensyon ng operasyon na magbigyang daan ang pagsasagawa ng RT-PCR testing sa lahat ng empleyado ng MRT-3, kabilang ang mga empleyado ng maintenance provider at subcontractors.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, ipatutupad din ito para mapigilan ang pagkalat ng nakakahawang sakit at para mas maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga personnel at commuter.

Tatagal ang shutdown ng operasyon hanggang July 11 o hanggang sa makapagtala ng sapat na bilang ng COVID-19 negative na personnel para makapagpatupad ng limitadong operasyon.

“Nangangahulugan ito na ang tagal ng shutdown ay maaaring mapaikli o ma-extend, depende sa bilis at resulta ng RT-PCR testing. Nangangahulugan din na magbabalik ang operasyon kahit na ang bilang ng available na personnel ay makapag-ooperate lamang ng limitadong bilang ng train sets sa simula,” pahayag ng pamunuan.

Isasagawa ang pagsusuri sa MRT-3 personnel ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Palacio de Manila swabbing center.

Sakaling may empleyado na magpositibo, agad itong dadalhin sa kinauukulang quarantine facility habang ang mga nagnegatibo naman ay mapapasama sa pool na mag-ooperate sa muling pagbubukas ng tren.

Para makapagpatupad ng limitadong operasyon, kailanganin ng hindi bababa sa 1,300 personnel sa nasabing tren.

Maliban sa swab testing, magsasagawa rin ng masusing disinfection sa lahat ng pasilidad ng MRT-3, kabilang ang depot, mga istasyon at sa mga tren.

Tiniyak naman na tuloy pa rin ang MRT-3 Bus Augmentation Program na may 90 na bus at may fixed dispatching interval na kada 3 minuto para sa mga commuter.

Magde-deploy din anila ng 150 na bus para sa EDSA Busway service sa mga pasahero mula Monumento hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx).

May mini-loop ding tutulong sa mga pasahero sa Timog Avenue hanggang Ortigas, kung saan pinayagan ang shuttle/mini bus service na mag-pickup at mag-drop off ng pasahero sa curbside.

“Habang may pandemya, ang mandato na suportahan ang muling pagbubukas ng ekonomiya ay nararapat na ibalanse sa kalusugan at kaligtasan ng publiko at ng ating mga public transport personnel,” dagdag pa nito.

Read more...