Tax cut sa mga work from home, balak ihirit ni Sen. Tolentino

Sinabi ni Senator Francis Tolentino na dapat ikonsidera na ibawas sa bayaran sa buwis ang dagdag gastusin sa kuryente ng mga kawani na nasa ilalim ng work from home arrangement ng kanilang kumpaniya.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy ukol sa mga isyu sa kuryente sa gitna ng pandemiya, sinabi ni Tolentino na binabalak niyang maghain ng panukala ukol sa kanyang posisyon.

“Ito pong ginagastos ng ating mga nagta-trabaho sa bahay, puwedeng ikarga bilang deductible expense sa pagbabayad ng buwis dahil nabawasan ang gastos ng kanilang pinapasukan,” katuwiran ng senador.

Dagdag pa nito, “hindi na sila nagtatrabaho sa opisina, hindi kumokonsumo ng aircon at kuryente. Dahil nagta-trabaho sila sa bahay, nadagdagan ang kanilang gastusin sa kuryente.

Sinabi pa ni Tolentino na maghahain sila ng panukala ni Sen. Sherwin Gatchalian na layong amyendahan ang National Internal Revenue Code para mabawasan ang bayarin sa buwis ng mga ginagawa ang kanilang trabaho sa bahay.

“Because he was able to produce something for the government office or for a private employer,he is entitled to some tax relief,” sambit pa ni Tolentino.

Sa nasabing pagdinig, nabanggit ng kinatawan ng Meralco na tumaas ang hanggang 30 porsyento ang konsumo sa kuryente sa mga kabahayan sa pag-iral ng quarantine period.

Kasabay nito, inihirit din ni Tolentino sa Meralco na gawing simple para madaling maintindihan ng mga konsyumer ang mga sagot ukol sa mga isyu sa mataas na singil sa kuryente.

“Napakahaba ng paliwanag ng Meralco, kahit ako hindi ko maintindihan. Nakadagdag pa sa kalituhan iyong kanilang advertisement sa diyaryo,” punto nito.

Read more...