Ayon kay San Jose Del Monte City, Bulacan Rep. Florida Robes, nagawang magkaisa ng mga mambabatas nang aprubahan ang Bayanihan to Heal as One Act kaya dapat ganito rin ang mangyari sa Bayanihan Law 2.
Una nang inaprubahan ng House Committee of the Whole ang House Bill 6953 at natapos na rin ang period of debate and sponsorship sa panukala bago nag-adjourn ang Kongreso.
Sa naunang inihaing resolusyon para palawigin ang Bayanihan Law, ipinunto ni Robes ang pahayag ng mga eksperto na mananatili ang banta ng Covid-19 hangga’t walang gamot o bakuna para dito.
Nakita rin anya ang nangyari sa South Korea, Singapore, China at Japan, na nagkaroon ng second wave ng impeksyon.
Kaya naman giit ng kongresista, kailangang tuloy-tuloy na maipatupad ang mga hakbang ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng sakit, makapagsagawa ng testing at magamot ang mga mahahawa ng virus gayundin ang pagtugon sa epekto nito sa ekonomiya.
Sabi ni Robes, magagawa ito kung bibigyan ng sapat na kapangyarihan si Pang. Duterte para sa implementasyon ng kinakailangang mga polisiya.