QR Codes ng mga tradisyunal na jeep na balik-pasada na, available na online

Maaari nang makuha ng mga operator at driver ng traditional Public Utility Jeepney (PUJ) kani-kanilang QR Code mula sa website ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang QR Codes ay kailangang ipaskil sa jeep bilang katibayan na sila ay kabilang sa pinapayagang bumiyahe sa mga rutang itinakda ng LTFRB.

Ayon sa LTFRB, hindi na kailangang mag-apply ng Special Permit (SP) ang mga PUJ operators/drivers.

Sa halip ay bibigyan sila ng QR Code para matiyak na lehitimo ang mga units na tatakbo sa kani-kanilang ruta.

Para makuha ang QR Code, sundin lamang ang mga sumusunod na hakbang:

1. Pumunta sa https://ltfrb.gov.ph/ at i-click ang LTFRB QR Code
2. Piliin ang uri ng serbisyo (UV Express o PUJ)
3. Hanapin ang inyong QR information gamit ang universal search (pangalan, case, plaka/chassis number kung walang plaka)
4. Ipapakita ng system ang Page at Batch File na kalakip sa QR Code ng PUJ unit
5. I-click ang Batch File at pansinin ang PAGE number ng naturang unit
6. I-download o i-print ang QR code at iprisinta sakaling inspeksyunin ang PUJ unit.

Miyerkules nang inanunsyo ng LTFRB ang pagbubukas ng rationalized routes para sa mga traditional PUJ para serbisyuhan ang mga commuter sa Metro Manila.

49 na ruta ang binuksan para sa higit 6,000 traditional PUJ units.

 

 

Read more...