13 pang Filipino sa abroad, nagpositibo sa COVID-19 ayon sa DFA

Mayroong 13 pang bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang July 3, umakyat na sa 8,627 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 62 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 2,903 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

5,163 naman ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Samantala, 561 na ang pumanaw na Filipino abroad dahil sa COVID-19.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 6,256 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 1,013 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 697 naman ang kaso sa Americas at 661 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tutukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

 

 

Read more...