Coast Guard nag-iipon na ng ebidensya vs MV Vienna Wood

Sinabi ni Philippine Coast Guard Commandant Vice Admiral George Ursabia Jr., nag-iipon na sila mga ebidensiya para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa opisyal ng Hong Kong-flagged cargo vessel MV Vienna Wood.

Sinabi ni Ursabia na natapos na nila ang pag-iimbestiga sa mga tripulante ng MV Vienna Wood at aniya sinimulan na ng kanilang mga abogado ang pagkuha ng sinumpaang salaysay ng mga lokal na mangingisda na rumesponde sa insidente.

Itinigil na ng Coast Guard ang kanilang search and rescue at search and retrieval operations na ang kanilang ginagawa makalipas ang tatlong araw na paghahanap.

Una nang inihayag ng ahensya na ang nawawalang 14 mangingisdang Filipino at pasahero ay maaring kasama sa paglubog ng FV Liberty 5.

Tinataya na may 2,000 metro ang lalim ng pinaglubugan ng bangkang pangisda at ang mga technical divers ay maari lang lumubog sa lalim na 100 metro.

Sa mga naunang panayam, sinabi ni Ursabia na hindi naglakas loob ang mga tripulante ng MV Vienna Wood na sagipin ang mga sakay ng nabangga nilang bangka.

 

 

Read more...