Iba pang ahensya sa ilalim ng DOTr pinatutulong na rin para mapauwi ang LSIs

Inatasan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang lahat ng mga konsernadong ahensya sa ilalim ng Department of Transportation na lumahok sa multi-agency drive upang matulungan ang mga locally stranded individuals o LSI.

Sa kautusan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte, nag-inspeksyon si Tugade sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 upang personal na malaman ang kalagayan ng mga stranded na pasahero.

Dito, nasaksihan ng kalihim ang kakulangan ng upuan ng mga pasahero kaya naman ipinag-utos nito ang pagbili ng mga upuan para mapataas din ang seating capacity ng paliparan.

“While observing social distancing, nag-utos po ako kanina na bumili ng upuan, para antimano madagdagan. Nasa 2,000 po ‘yun minimum, sa umpisa, pero magkakaroon kami ng programa na madaragdagan ‘yung seating capacity,” sabi ni Secretary Tugade.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga LSI, tiniyak ng kalihim sa mga stranded na pasahero na ang kaligtasan at convenience ng mga ito ang pangunahing prayoridad ng pangulo.

Ipinaliwanag din nito sa mga LSI na ginagawa lahat ng pamahalaan upang matulungan ang mga ito.

Sabi ni Tugade, ginagawan na rin nila ng paraan upang maiuwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

“Makikipagpulong kami sa mga airlines at makikipag-coordinate sa LGUs para sa schedule ng flights ng stranded nating mga kababayan,” pahayag nito.

Sabi ng DOTr, simula June 8 hanggang 12 mayroong 825 LSIs ang nagkampo sa labas ng NAIA Terminal 3 ang nirescue nila at dinala sa Villamor Elementary School at Philippine State College of Aeronautics Pasay City kung saan 395 sa mga ito ang agad inihatid sa kanilang mga probinsya habang ang nalalabing 430 LSI ay pinauwi rin noong sumunod na linggo.

Samantala, umabot naman sa 15,672 na mga LSI ang napauwi ng Philippine Coast Guard sa ilalim ng Hatid-Probinsya program kabilang na rito ang isinakay ng BRP Gabriela Silang ng PCG.

Maging ang Philippine National Railways ay naghatid din ng nasa 234 na LSI gamit ang mga tren nito patungo sa Bicol Region.

Pagmamalaki pa ng DOTr, maging ang Philippine Ports Authority, Manila International Airport Authority at Civil Aviation Authority of the Philippines na ahensyang nasa ilalim ng kagawaran ay gumawa rin ng paraan upang makatulong sa mga LSI.

Read more...