Higit 100 pang Filipino sa abroad, nagpositibo sa COVID-19 – DFA

Mahigit 100 ang bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang July 2, umakyat na sa 8,614 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 61 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 2,905 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

“The increase is due to more accurate sourcing of data, as well as, late reports received by our Foreign Service Posts,” paliwanag ng kagawaran.

5,148 naman ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Samantala, 561 na ang pumanaw na Filipino abroad dahil sa COVID-19.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 6,253 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 1,009 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 695 naman ang kaso sa Americas at 657 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tutukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...