P25.7-B bond ng DITO nanganganib makansela; prangkisa posibleng bawiin

Nanganganib na kumpiskahin ng pamahalaan ang P25.7 billion performance bond ng third telco player DITO Telecommunity Corp. at bawiin ang radio frequencies na nakatalaga rito.

Ito ay makaraang sabihin ng kumpanya sa pagdinig sa Senado noong Miyerkules na posibleng hindi sila makasunod sa July 8 deadline para sa kanilang technical launch, na nauna nilang ipinangako sa gobyerno bilang third telecommunications player ng bansa.

Ayon kay DITO chief administrative officer Adel Tamano, ang rollout ng kumpanya ay hindi pa sapat dahil sa lockdowns upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.

“The COVID and the lockdowns have prevented us from our full rollout,” sabi niya sa naturang pagdinig.

Ani Tamano, bago ang July 8 deadline para sa technical launch, may 1,300 cell towers ang itinatayo ng DITO, kung saan 300 dito ay gumagana na, subalit hindi ito sapat para matugunan ang ipinangakong bilis at network coverage.

Ayon kay dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio. Jr., isa sa resource person sa hearing, ang hindi pagtupad sa July technical rollout ay magbibigay sa Dito ng anim pang buwan upang matugunan ang kanilang commitments.

Sa ilalim ng terms of reference, ang DITO ay maaari lamang maka-miss ng targets ng dalawang beses.

Kung hihigit pa rito ay makukumpiska ang kanilang P24-billion performance bond at babawiin ang itinalagang radio frequencies sa kanila.

“Once the company hits Strike 3, the government can forfeit on its favor the P25.7-billion performance bond Dito paid before construction activities, a sizable amount meant to prompt the China-backed firm to fulfill its commitments on time,” sabi ni Rio.

“As far as I know, they [DITO] have not requested for any postponement of that commitment… But definitely they are saying they could not have the 1,300 finished by July 8…. If they cannot comply by July 8, then that is their Strike One,” aniya.

Sa technical launch sinusuri ng regulators kung ang mga kasalukuyang pasilidad ng Dito ay sapat upang matugunan ang mga ipinangako na nakasaad sa ilalim ng government licenses na nakuha ng kompanya. Para sa 2020, ang target ay itinakda sa maximum Internet speed na 27 Mbps sa 37% ng populasyon ng bansa.

Ang DITO ay inatasang magtayo ng 2,500 cell towers pagsapit ng Hulyo 8.

“We have 1,300 towers in construction, 300 of them are already live and it is our plan that within this year 2,000 towers will be completed,” sabi ni Tamayo.

 

 

 

 

Read more...