Performance ni Pangulong Duterte sa apat na taon, “great” – Palasyo

“Great four years of performance.”

Ganito inilarawan ng Palasyo ng Malakanyang ang apat na taong panunungkulan sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, kahit may kinakaharap na pandemya ang bansa dahil sa COVID-19, nagagampanan pa rin ng pangulo ang kanyang tungkulin.

“So it’s been a great four years, meron po tayong pagsubok pero dahil meron tayong very sound fundamentals makakaahon din po tayo sa pagsubok ng COVID-19,” pahayag ni Roque.

Ibinida ng Palasyo na sa loob ng apat na taong panunungkulan ng pangulo mula noong 2016, nakilala ang Pilipinas bilang best performing ang ekonomiya sa buong mundo.

Under control aniya ang inflation sa mga nagdaang taon habang maganda rin aniya ang credit rating ng bansa sa international community.

Pero dahil sa pandemya, hindi maikakaila na naapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas at ng buong mundo.

“So it was actually a great performance as far as the economy is concerned, as far as approval (rating) of the President is concerned hindi po bumababa ‘yan sa 80 porsyento so approve po ang taumbayan sa mga ginagawa ng presidente. Kasama na din po diyan yung kampanya sa pinagbabawal na droga,” ani Roque.

Mayorya din aniya sa mga Filipino ang sumasang-ayon sa mga hakbang na ginawa ng pangulo kontra COVID-19.

“Unfortuntely, tinamaan po tayo ng pandemiya pero sang-ayon po sa mga survey din talagang overwhelming majority ng ating mga kababayan suportado naman po ang mga aksyon na ginawa ng Presidente at ibabalik ko po sa inyo yung katotohanan na absed din sa UP study kung di po tayo nagkaroon ng lockown e as much as 3 million ang ating kaso sana ng COVID-19,” pahayag ni Roque.

May dalawang taon pang natitirang panunungkulan si Pangulong Duterte sa Malakanyang bago ang Presidential elections sa 2022.

Read more...