“To those whom I offended, my sincere apologies. Hayaan niyo po, hindi na po mauulit ‘yan dahil hopefully, mag-e-MGCQ na rin ang Metro Manila soon.”
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos umani ng batikos dahil sa pag-swimming sa Subic Ocean Adventure kasama ang mga dolphin.
Ayon kay Roque, wala siyang nilalabag na health protocols.
Sa post ng Ocean Adventure, makikitang nakikipag-usap si Roque sa dalawang tao na walang suot na face mask.
“So wala po akong nilabag na regulasyong bagama’t I recognize po na meron siguro talagang mga iba diyan na na-offend doon sa mga nakita nilang mga larawan. At sa mga na-offend ko po, eh paumanhin po. Tao lang po. Ang trabaho ko po walang Sabado-Linggo. So kinakailangan po, kung kinakailangang mag-break, isingit mo kung kailan mo masisingit,” pahayag ni Roque.
Katwiran pa ni Roque, non-contact sport din ang swimming.
Kabilang din siya sa authorized persons outside of residence o ang mga indibidwal na pinapayagang makalabas ng tahanan kahit na umiiral ang quarantine dahil sa COVID-19.
Pagbababoy kasi aniya ang kanyang negosyo.
“I am an APOR, at ang pinuntahan ko po, dahil nga po ako nagpunta doon dahil first time na MGCQ na sila. But even under ECQ naman po ang swimming is allowed dahil it is a non-contact sport. At kung meron naman po akong nalabag sa social distancing, ang katabi ko naman po mga dolphins, hindi naman po mga tao,” pahayag ni Roque.
Iginiit pa ng kalihim na hindi maihahalintulad sa mañanita o birthday party ni NCRPO chief Debold Sinas ang kanyang pag-swimming kasama ang mga dolphin dahil hindi naman siya nakipag-party.
“It was not a trip intended for leisure, side trip lang ‘yan,” pahayag ni Roque.
“Hindi po, hindi po ako nag-party. Nag-iisa po ako. Ang mga kasama ko po apat na dolphins,” pahayag ni Roque kung kapareho kay Sinas ang kanyang ginawa.
Una nang umani ng batikos si Sinas dahil sa pagsasagawa ng birthday party kahit na umiiral pa ang quarantine sa Metro Manila dahil sa COVID-19.