Binalaan ng mga miyembro ng New People’s Army na nakabase sa Agusan Del Sur ang mga kandidato sa lokal na eleksyon sa lugar na mariin nilang ipinagbabawal sa mga ito ang magdala ng anumang uri ng baril sa kanilang pangangampanya sa mga lugar na kanilang kontrolado.
Bukod dito, inabisuhan din ng NPA ang mga kandidato na huwag magsama ng mga escorts na mula sa Philippine Army sa pagtungo sa kanilang mga teritoryo.
Ito aniya ay kahit na nakakuha na ng ‘permit to campaign’ ang mga kandidato mula sa kanilang hanay.
Ayon kay Maria Malaya, tagapagsalita ng National Democratic Front sa Northeastern Mindanao Region, kanilang ipapatupad ang naturang polisiya upang matiyak na hindi magkakaroon ng misencounter sa pagitan ng mga grupo ng mga kandidato at kanilang puwersa.
Gayunman, sinabi ni Malaya na maari namang magsama ng mga police escorts ang mga kandidato kung kailangan talaga ang presensya ng mga ito.
Mariing ipatutupad aniya ng Regional Operating Command ng NPA-NEMR ang naturang polisiya.
Sakali aniyang may lumabag sa naturang polisiya, maari nilang i-ban ang mga kandidato na makapangampanya sa kanilang mga hawak na lugar.
Upang ipatupad aniya ito, maglulunsad sila ng mga checkpoint sa ilang lansangan sa lalawigan.