Hindi mabigat na isyu ang political dynasty ayon sa Pulse Asia survey

 

Nahati sa tatlo ang mga Pilipinong tinanong kaugnay sa kanilang pananaw sa political dynasties.

Ito ang naging resulta ng isinagawang survey ng Pulse Asia sa 1,800 na respondents sa buong bansa mula January 26 hanggang 28.

32 percent sa mga respondents ang naniniwalang hindi dapat iboto ang mga kandidatong may kaanak na nanunungkulang opisyal ng pamahalaan.

Taliwas naman dito ang pinaniniwalaan ng 34 percent sa kanila, habang ang isa pang 34 percent sa mga respondents ay hindi naman desidido tungkol sa kanilang pananaw ukol dito.

Hindi gaanong nalalayo ang resulta nito kumpara sa ginawang survey noong March 2013, kung saan 40 percent ang nagsabing wala silang nakikitang mali sa mga kandidatong kabilang sa mga political dynasties, habang 28 percent ang tumangging iboto ang mga ito, at 31 percent ang undecided.

Samantala, sa parehong survey, lumalabas na 39 percent ang naniniwalang magkakaroon ng dayaan sa halalan, 29 percent ang kumpyansang hindi ito mangyayari at 32 percent ang hindi sigurado.

Gayunman, 48 percent sa kanila ang naniniwalang magiging malinis at kapani-paniwala ang halalan dahil sa automated system, 15 percent ang hindi kumbinsido at 36 percent ang hindi pa desidido.

Read more...