Nangako ang mga biktima ng Martial Law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na gagawin ang lahat ng kanilang makakaya upang idiskaril ang hangarin ng anak nitong si Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na manalao sa vice-presidential race.
Daan-daang mga biktima ng karahasan sa ilalim ng Marcos regime ang sumugod kahapon sa University of the Philippines Diliman at nangakong hahadlangan ang panunumbalik sa kapangyarihan ng mga Marcos sa puwesto.
Ayon kay Bonifacio Ilagan,convenor ng grupong Campaign Against Return of the Marcoses to Malacañang o CARMMA at isa sa mga biktima ng pagpapahirap umano sa ilalim ng diktaturya, tiyak aniyang gagawin ng senador ang lahat upang malinis ang kanilang pangalan sakaling maupo ito bilang vice president.
Samantala, patuloy namang itinatanggi ni Senador Marcos na may kinalaman ang kanilang pamilya sa mga ibinibintang laban sa kanila ng mga biktima ng Martial Law.
Giit nito, tanging ang pagpapalago lamang ng ekonomiya at kapayapaan sa buong bansa ang naging hangarin ng kanyang pamilya at kanyang ama nang maging pangulo ito ng bansa.
Sa pinakahuling mga survey, pantay na ang rating ni Sen. Marcos kay Sen. Franchis Chiz Escudero sa vice presidential race.