Dinismiss na ng University of the East ang mga estudyanteng ginamit bilang basahan o ‘mop’ ang watawat ng Pilipinas at kinunan pa ito ng video sabay in-upload sa social media sites.
Nag-viral sa social media ang video ng mga high school students na umani ng maraming batikos mula sa mga netizens dahil sa hindi pagbibigay ng kaukulang paggalang ng mga ito sa bandila.
Sa liham na inilabas ng UE, isinasaad dito na naging ‘unanimous’ o nagkakaisa ang mga miyembro ng Board of Trustees na aprubahan ang ‘dismissal’ ng mga hindi kinilalang estudyante.
Ayon kay Dr. Ester Albano Garcia, President and Chief Academic Officer, ang desisyon ng pamunuan ay resulta ng matinding paglabag o infraction ng mga estudyante na taliwas sa itinuturo ng unibersidad sa kanilang mga mag-aaral.
Titiyakin din aniya ng unibersidad na tatalima ang lahat ng kanilang mag-aaral at mga empleyado sa pagbibigay-galang sa watawat ng Pilipinas.
Matataandaang noong unang bahagi ng February, nag-trending sa social media ang video ng isang estudyanteng ginagamit bilang basahan o ‘mop’ ang watawat ng Pilipinas sa loob ng classroom habang kinukunan ng isa pang mag-aaral.
Makalipas ang ilang araw, kinumpirma ng UE na kanilang mga estudyante sa high school ang pasimuno ng insidente at nangakong isasalang sa disciplinary committee ng unibersidad ang mga ito.