Ayon sa Quezon City government, ito ay bunsod ng epektibong pagpapaigting ng trace-isolate-treat strategy laban sa nakakahawang sakit.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz, pinuno ng QC-Epidemiology and Surveillance Unit (ESU) ng QC Health Department, umabot na sa 1,985 ang total recoveries sa lungsod mula sa 3,302 kasong na-validate hanggang July 1.
“Dahil mabilis nating naisasagawa ang trace-isolate-treat strategy natin, agad nating naaagapan ang mga kaso ng COVID-19 at nabibigyan ng karampatang atensiyon at pag-aalaga,” ani Cruz.
Simula June 6, mas mataas na aniya ang bilang ng mga gumagaling sa lungsod kumpara sa naitatalang aktibong kaso.
Malapit na ring maabot ng HOPE Community Caring Facilities ang kapasidad nito dahil sa nasabing istratehiya.
“We welcome this situation as this only shows that our trace-isolate-treat method in dealing with the pandemic is effective,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
“Dahil epektibo ang ating community-based testing, mas madali nating naihihiwalay ang mga positibo sa COVID-19 para hindi na makahawa pa sa mga komunidad,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni Cruz na malaking tulong ang HOPE facilities dahil hindi nasisiksik ang mga ospital sa lungsod.
“Sa tulong ng ating HOPE facilities ay hindi na-overwhelm ang mga referral hospital natin. Hospitals were able to cater to more critical cases instead,” pahayag ni Cruz.
Samantala, sinabi ni Cruz na isasaraa ang HOPE 2 facility sa Quezon City University sa kalagitnaan ng Agosto para bigyang-daan ang posibleng face-to-face classes sa Setyembre.
Magbubukas aniya ng dalawang bagong quarantine facilities sa Quezon City General Hospital (QCGH) at Talipapa Senior High School.