Antipolo New Public Market isinailalim sa 14 na araw na lockdown; 18 tenants at vendors nagpositibo sa COVID-19

Nagpatupad ng lockdown sa New Public Market sa Antipolo City.

Ito ay makaraang magpositibo sa isinagawang COVID-19 test ang 18 tenants at vendors ng palengke.

Ayon sa Antipolo City government, noong June 25 isinailalim sa rapid testing sa nasa 800 tenants at empleyado ng New Public Market, kung saan 28 sa kanila ang nagpositibo sa
IgM anti-body Rapid test.

Ang 28 IgM positive at 20 iba pang mga sintomas ay agad isinailalim sa RT-PCR test kung saan sila ay kinunan ng swab samples at 18 sa kanila ay positibo sa COVID-19.

Sa nasabing bilang, 15 ang residente ng Antipolo at 3 ang taga ibang bayan.

Nakasailalim na sa mandatory quarantine ang mga nagpositibo.

Agad na nagpatupad ng perimeter control ang PNP at barangay upang tiyakin na walang makakapasok sa palengke sa loob ng temporary closure.

Maliban sa New Public Market, nauna nang nagsagawa ng expanded at targeted testing sa City Mall of Antipolo noong June 23, 2020, kung saan higit 700 vendors ang sumailalim sa Rapid Test.

19 naman sa kanila ang nagpositibo kaya kinailangan silang isailalim sa swab test para sa confirmatory test.

Lahat naman ng resulta ay negatibo, kaya nananatiling COVID-19 free ang CMA.

Nanawagan ang pamahalaang lungsod sa mga pribadong palengke at pamilihan na bilang mga responsableng mga landlords, dapat ay tulungan nila ang kanilang mga tenants at mga trabahador na maipasuri sa COVID-19.

Sa ngayon ay nakapagsagawa na ang local city health office ng humigit kumulang 15,000 COVID-19 tests (parehong rapid at RT-PCR) sa buong lungsod.

 

 

 

Read more...