Hihintayin ng Palasyo ng Malakanyang ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y misencounter sa Sulu.
Napatay ng mga pulis ang apat na sundalo habang nagsasagawa ng operasyon sa Jolo laban sa miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Sa press briefing, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kapwa humingi na ng tulong sa NBI ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para maintindihan ang insidente.
Dapat aniyang maging patas at hindi muna siya maglalabas ng pahayag hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon ng NBI.
Sinabi pa ni Roque na hotspot ang Jolo sa ngayon dahil patuloy pa rin ang mga aktibidad ng mga teroristang grupo kung kaya mataas ang tensyon sa nasabing lugar.