Ito ang pagbubunyag ni NCRPO Director Debold Sinas at aniya ang tinutukoy niya ay si Merhama Abdul Sawari alias Mheng, na siya rin aniyang nagsisilbing logistics officer ng Daulah Islamiyah o Islamic State.
Dagdag pa ni Sinas ang mga napatay ay kaalyado ng Daesh – East Asia.
Sila rin ang koneksyon ni Mundi Sawadjaan alias Abu Marwan, sub leader ng Abu Sayyaf at isa mga nagplano sa pambobomba sa Jolo Cathedral sa Sulu na isinagawa ng Indonesian couple noong January 27, 2019.
Nagtulong ang PNP, AFP at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa ikinasang operasyon sa safehouse ng grupo sa Better Living, Barangay Don Bosco sa Paranaque City madaling araw ng Biyernes.
Naghagis ng granada ang mga terorista nang dumating ang mga sundalo at pulis ngunit maaga itong sumabog at ito ang naging mitsa ng palitan ng mga putok.
Nasawi sa insidente sina Bensaudi Sali alias Boy, Rasmin Hussin alias Boscon at Jamal Kalliming alias Pando.
Narekober sa safehouse ang ilang baril, mga gamit sa paggawa ng bomba at mga dokumento ukol sa pondo ng teroristang grupo.
“ The NCRPO will continue to intensify its intelligence efforts, police operations and coordination with other agencies to apprehend terrorist groups conducting operations in NCR,” sabi pa ni Sinas.