Ayon kay dating MMDA Chairman at senatorial candidate Francis Tolentino, pangmatagalang tulong ang dapat na ilaan ng pamahalaan sa mga OFWs na mawawalan ng trabaho.
Mungkahi ni Tolentino, ang mga OFWs na uuwi sa bansa at makakapagnegosyo ay dapat bigyan ng tatlong taon na tax moratorium.
Sa ganitong paraan sinabi ni Tolentino na makakaahon o makakabawi ang mga OFWs na nawalan ng trabaho sa ibayong dagat.
“Ang babalik na OFW tapos papasok sa negosyo dapat bigyan siya ng 3-year tax moratorium, hindi pwedeng tanggap lang tayo ng tanggap ng remittances nila,” ayon kay Tolentino.
Sinabi ni Tolentino na matagal na panahon din namang pinakinabangan ng pamahalaan ang remittances ng mga OFWs kaya dapat ay pagkalooban sila ng pangmatagalang tulong.
Una nang nanawagan si Tolentino sa gobyerno na habang maaga ay maglatag na ng mga pamamaraan para matulungan ang mga OFWs na mawawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.