Ito ang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos ang insidente ng pagtatalo ng pasahero at kunduktor ng bus noong Biyernes dahil sa isyu ng student fare discount.
Sa paliwanag ni LTFRB Board Member, Atty. Ariel Inton, kahit gabi pa, dapat ay binibigyan ng diskwento ang isang estudyante basta school day.
Sinabi ni Inton na hindi lang naman ibinibigay ang diskwento sa isang estudyante dahil siya ay papasok o kagagaling lamang sa esklwelahan. Maari din aniyang bigyan ng diskwento ang isang estudyanteng nag-research o galing sa OJT sa isang kumpanya.
Ang LTFRB ay nakatanggap ng reklamo mula sa isang babaeng pasahero na sinampal umano ng kunduktor ng bus na kaniyang sinakyan matapos na magtalo sa diskwento.
Sa reklamo ng estudyante, binastos umano sya ng kunduktor nang tanungin siya nitong “may estudyante ba na pumapasok ng gabi at walang maipakitang ID?.
Pero depensa naman ng kunduktor, nauna umanong nanampal ang babae at nag-eskandalo pa daw ito sa loob ng bus.
Kaugnay nito, inirekomenda ni Inton na ipatawag ng LTFRB Board ang driver at kunduktor ng Malanday Metrolink Bus Company, pati ang operator ng bus, kasama ang sinasabing biktima at ang mga witness sa nasabing insidente.