Kinilala ang nasawi na si John Alfon Antonio na nagtamo ng mga tama ng shrapnel sa kaniyang ulo at katawan, habang sa datos ng Philippine Red Cross nasa 34 ang sugatan at isinugod sa iba’t ibang pagamutan.
Ayon kay Chief Inspector Bryan Bernardino ng Esperanza police station, nagsasaya sa peryahan ang mga tao nang biglang may maghagis ng granada.
Naaresto naman ang isa sa mga suspek habang pinaghahanap ang dalawang iba pa.
Ayon sa mga nakasaksi, ang tatlo ay sakay ng motorsiklo nang dumating sa mataong peryahan malapit sa town hall ng Esperanza.
Naghanap umano ng kani-kaniyang pwesto ang tatlo at saka inihagis ang MK-2 grenades.
Nakuha ng mga otoridad ang tatlong safety pin ng granada sa lugar. Dalawa lamang sa mga ito ang sumabog.
Labingwalo sa mga nasugatan ay dinala sa Sultan Kudarat Province Hospital, Pinggoy Hospital sa South Cotabato, at sa Tamondong Memorial Hospital and Clinic, Inc.
Inaalam pa kung anong grupo kasapi ang mga suspek.